Taal evacuees nanawagan para sa tubig, masustansiyang pagkain

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2020 07:42 PM | Updated as of Jan 19 2020 06:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa patuloy na pag-alboroto ng bulkang Taal, nanawagan ang mga apektadong residente mula Batangas ng mga donasyong masustansiyang pagkain, tubig, at iba pang kagamitan.

Sa San Pascual, Batangas, umapela si Ghie Gonzales, pinuno ng disaster risk reduction and management office ng bayan, sa mga donor na huwag puro canned goods aang ibigay at sa halip ay masustansiyang pagkain.

"'Yon na lang pong maluluto ng ating mga community kitchen... 'yong mga raw food, gulay," aniya.

Umapela rin ng tulong ang pamahalaang lokal para sa iba pang mga gamit na kailangan ng mga lumikas gaya ng kutson.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa bayan ng Talisay, kung saan halos isang linggo nang walang suplay ng tubig, namamalimos na ang ilang evacuee ng tubig sa mga dumadaang motorista.

Ibinalandra ng ilang evacuee ang mga drum sa kalsada at pinapara ang mga motorista para manghingi ng tubig.

"Hindi nakakarating ang tubig," ani Mary Jane Rosima.

Bukod sa kawalan ng tubig, idinadaing din ng mga evacuee sa Talisay ang mga kagat umano ng mga insektong nabulabog dahil sa pagputok ng bulkan.

"Wala na kasing matirhan 'yong mga putakte, mga insekto," kuwento ng residenteng si Lykho Cumabig.

Watch more in iWant or TFC.tv

TRAPIKO DAHIL SA MGA DONASYON, LIBRENG CHECK-UP

Sa kabila ng mga panawagan, patuloy naman ang pagbuhos ng mga donasyon para sa mga apektado ng bulkan.

Nitong umaga ng Sabado, sumikip ang trapiko sa southbound lane ng South Luzon Expressway at sa mga kalsada sa Batangas bunsod ng mga motoristang nagtungo sa lalawigan para magpaabot ng tulong.

Bukod sa mga pagkain at damit, dumating din ngayong Sabado ang mga doktor ng St. Luke's Medical Center-Global City para magsagawa ng libreng check-up.

Katuwang ang Philippine Army at ang mga pamahalaang lokal, namahagi rin ang mga doktor ng mga bitamina sa mga bata at hygiene kit sa mga residente.

Dumaan din ang grupo sa Padre Pio Shrine sa Santo Tomas City at namigay ng relief goods para sa 250 pamilya.

Nagsagawa naman ng relief operation ang lokal na pamahalaan sa 7,000 pamilya sa isang evacuation center sa Lipa City.

Anim na araw na ring nag-iikot sa iba-ibang evacuation center ang ilang opisyal at volunteer mula Pampanga para magbigay ng medical services.

— Ulat nina Dennis Datu, Zhander Cayabyab, at Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.