PETA may agam-agam sa kapalaran ng mga nasagip na kabayo sa Taal Volcano island

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2020 01:48 PM | Updated as of Jan 18 2020 02:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Ano nga bang kahihinatnan ng mga hayop na nasagip mula sa Taal Volcano island?

Ito ang agam-agam ng isang animal rescue group sa gitna ng sitwasyon sa malaking bahagi ng Batangas matapos ang pagputok ng bulkan noong linggo.

Ayon kay Jana Sevilla, assistant rescue manager ng People for the Ethical Treatment of Animals o PETA, hindi nagtatapos sa pag-rescue ang kanilang pag-aalala sa mga hayop, tulad ng mga kabayo na naging katuwang ng maraming residente sa isla sa kanilang hanapbuhay.

"Naiintindihan ko rin. Ano pa ba ang paggagamitan nila sa kabayo, 'yun lang ang puwede nilang maibenta para makapagsimula sila ng konti," sabi niya.

Pinaghihinayangan niya ito dahil matapos ang pag-rescue at pagbuwis ng buhay ng mga rescuer sa mga kabayo ay maaaring ibebenta lang ang mga ito ng mga may-ari na nawalan ng bahay at kabuhayan sa pagputok ng Taal.

Batid din niya na posibleng mauwi ang mga ibinentang kabayo sa muling pagtatrabaho sa ibang farms o, masaklap, sa katayan.

"Kaya nananawagan din kami sa mga tao na tulungan sila, lalo na yung mga kabayo. Alam mo yung napagdaanan nila, na-survive nila yung bulkan pero ang katayan 'di nila masu-survive," sabi niya sa panayam sa DZMM Sabado ng umaga.

Mayroon naman umanong handang kumalinga sa mga kabayo tulad ng farm ni Sen. Francis Tolentino sa Alfonso, Cavite.

"Tinatanggap nila lahat ng mga kabayo na gustong manatili sa kanila na walang pressure na hindi kailangang kunin kaagad," sabi niya.

Napakarami pa umanong mga hayop ang naiwan sa isla kaya hiling nila sa awtoridad na payagang gawing buong araw ang pag-rescue sa halip na window hours lamang.

"Kung puwede buong araw na para isang hakutan na lang talaga. Kaya 'yun tapusin ng isang buong araw," dagdag niya

Bukod sa pag-aalala sa mga hayop, batid din ng kanilang grupo ang peligro sa pagpunta sa isla para ilikas ang mga ito.

"Sobrang nag-aalala talaga... sa bangka pa lang tibok ng puso namin sobrang bilis, na halos pinagsisisihan na namin na bakit ba tayo pupunta ulit."

"Pero pagdating doon sobrang nakakaawa mga hayop," kuwento niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.