Pag-unawa, hiling ng pulisya sa harap ng mahigpit na seguridad sa Taal

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2020 10:59 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Humiling ng pag-unawa ang pulisya sa mga residente at animal rescue groups na umaalma sa mahigpit na seguridad na ipinatutupad sa mga lugar na nasa ilalim ng danger zone sa paligid ng Taal Volcano.

Ito'y sa gitna ng umiiral na lockdown sa mga bayan sa Batangas dahil sa patuloy na volcanic activity.

"Mahirap talagang pagbigyan lahat kasi 'pag may nangyaring aberya isasama sila sa ire-rescue," sabi ni Police Col. Edwin Quilates Batangas Provincial Police director.

Ayon kay Quilates, nakadepende ang galaw ng mga tao sa instruksiyong ibibigay ng lokal na pamahalaang nakasasakop sa lugar.

"Katulad nung sa Agoncillo, 'yung window hour na ibinigay 'yun lang talaga ang ipapatupad namin. Sa Agoncillo, nag-abiso ulit ang mayor kagabi na mayroong window hour ulit, 6 to 10 a.m., para mailabas na 'yung natitirang hayop at 'yung gustong dalhin pa ng evacuees na galing Agoncillo," sabi niya sa panayam sa DZMM Sabado ng umaga.

Sa ibang mga lugar tulad ng Talisay, nasa hepe ng pulis ang pagpapasya kung papayagang pumasok ang mga tao base na rin kung "extreme reason" at "justifiable" naman ito.

"Pero inoorasan talaga. Mas mahigpit doon kasi mas critical 'yung area talaga, within the immediate danger zone," dagdag ni Quilates.

Banggit niya, may logbook na dapat pirmahan ng bawat pumapasok sa mga lugar. 

"'Pag hindi pa lumabas 'yung naka-log in doon after the window hours, talagang susunduin ng ating mobile patrol units," saad niya.

May mga task force din na nagbabantay sa mga abandonadong mga bahay, imprastruktura at maging banking at financial institutions sa mga lugar na naka-lockdown upang maiwasan ang panloloob sa mga ito.

"Ang apprehension namin baka 'yung mga hindi nakabalik at open 'yung bahay o may mga abandoned properties o livestock baka makuha ng iba tapos magrereklamo later on nanakawan sila, nagkaroon ng looting. 'Yun ang iniiwasan natin," paliwanag niya.

Pakiusap naman nila sa mga animal rescue groups na kung maaari ay kumuha ng permiso mula sa lokal na pamahalaan o sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) para sa mas maayos na koordinasyon at dokumentasyon.

Nais nila na magkaroon ng maayos na dokumentasyon ng mga hayop na ililikas sa lugar-- anong address at saang barangay nakuha-- para madaling matunton ng mga residenteng maghahanap sa kanilang mga alagang hayop.

"Maayos lang 'yung documentation natin para walang mag-claim na nawala o nag-looting o may nanakawan," sabi ni Quilates.

Samantala, may maayos na listahan umano ang pulisya ng nasa 300 evacuation centers na pinuntahan ng mga naapektuhang residente sa pagputok ng bulkan noong nakaraang Linggo.

Nagsasagawa na rin sila aniya ng profiling ng bawat evacuee para agad na mabigyan ng prayoridad ang kanilang mga pangangailangan.

"Para 'pag may tumawag sa amin na magbibigay ng relief sasabihin namin kung anong kailangan, then may prioritization na rin kami--ranking ng evacuation centers-- 'yung pinakamaraming tao, 'yung nabigyan na, kumpleto ang profile ng ating PNP," paliwanag niya.

Nangako naman si Quilates na sakaling may maganap ang worst-case scenario, ang mga pulis ang huling aalis sa mga lugar.

"We will be the last men standing in the area, paaalisin muna lahat ng dapat i-evacuate then kami 'yung huli," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.