7 patay sa aksidente sa Agusan del Sur

Lorilly Charmane Awitan,ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2020 02:46 PM | Updated as of Jan 18 2020 06:32 PM

https://www.youtube.com/watch?v=hdxq8Wrp9FQ

Pito ang nasawi sa aksidenteng naganap sa bayan ng Prosperidad sa Agusan del Sur, Sabado ng umaga.

Ayon sa Prosperidad Emergency Rescue Team, kinasangkutan ng isang tricycle at pickup ang aksidenteng naganap sa Purok 6, Patin-ay bago mag-alas 9 ng umaga.

Sakay ng tricycle ang siyam katao na maliligo sana sa dagat, habang papuntang Davao City naman ang kasalubong na pickup na bumangga sa kanila.

Sa paunang ulat, bigla umanong napunta sa lane ng tricycle ang pickup at nabangga ito.

Nakapag-preno pa umano ang driver ng pickup pero huli na ito. Nakaladkad ng pick-up ang tricycle hanggang sa mapunta sila sa palayan.

Wala pang pagkakakilanlan ang pitong nasawi habang dinala naman sa ospital ang dalawang nasugatan sa aksidente.

Tumangging magbigay ng pahayag sa harap ng camera ang driver ng pickup na kasalukuyang nasa custodial facility ng Prosperidad Police Station.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.