Pekeng optometrist timbog sa Baguio

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2019 04:29 PM | Updated as of Jan 18 2019 07:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado sa entrapment operation ang isang lalaking umano'y nagpapanggap na optometrist o doktor sa mata sa Baguio City.

Hinuli ang suspek na si Karl Silva-Netto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa mismong klinika nito noong Miyerkoles.

Mismong empleyado ng clinic ang nagreklamo at sinabing ginagamit lang ng suspek ang pangalan ng kaniyang kapatid na si Job Silva-Netto, na siyang tunay na doktor. Apat na taon na daw itong ginagawa ng lalaki.

Naglabas din ng dokumento ang Professional Regulation Commission (PRC) na nagsasabing hindi lisensiyadong optometrist ang lalaki.

Noong una ay itinatanggi pa ng suspek ang krimen at nagdahilang naiwan niya lang ang kaniyang lisensiya pero kalaunan ay napaamin din ito.

Ayon kay CIDG investigator SPO3 Veronical Villareal, ginagamit umano ni Karl ang lisensiya ng kaniyang kapatid tuwing wala ito.

Bukod sa Concealment of Identity, haharap din ang suspek sa reklamong illegal practice o paglabag sa Republic Act 8050 o Revised Optometry Law of 1995.

Iimbestigahan din ng PRC ang kapatid ni Karl.

-- Ulat ni Justin Aguilar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.