Mga botante 'masaya, kinakabahan' sa plebisito ng BOL

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2019 09:32 PM

Watch more in iWantTFC

Magkahalong kaba at saya ang nararamdaman ng ilan sa mga botante sa Mindanao habang papalapit ang unang araw ng plebisito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL) sa Lunes.

Nakapila sa labas ng regional compound sa Cotabato City si Norhuda Utala, na mula pa sa Sultan sa Barongis, Maguindanao. Tiniis niya ang mahabang pila makadalo lang sa peace assembly dahil tiwala raw siya sa benepisyong dala ng BOL.

"Mahirap ang giyera, para ito sa kapayapaan," ani Utala.

Excited naman sa plebisito si Sajidkhan Tula, na umuwi pa ng Cotabato City mula Taguig City. 

Kabado pero masaya naman ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) combatant na si Zuharto Bagundang. Sabi niya, ilang hakbang na lang ay makakamit na nila ang inaasam na Bangsamoro region.

"Kaming mga combatant, wala kami panahon sa aming pamilya. Kapag nanalo ang BOL magkakaroon na kami ng oras sa aming pamilya at sa hanapbuhay," aniya. 

VOTE BUYING?

Samantala, naalarma naman ang lokal na pamahalaan ng Cotabato City sa pamamahagi umano ng ID ng isang pro-BOL group sa mga residente.

Bukod sa lamang pera, narito rin ang mga datos ng mga residente na kinopya umano mula sa Comelec.

"Di ko sila hinarap, di ako nag-apply sa kanila, pero bakit nila nakuha pangalan at picture ko?" pagtataka ni alyas "Razul."

Pumalag naman ang alkalde ng Cotabato sa balita.

"This is vote buying... That's also a violation of the privacy of the individual na bigyan ng ID," ayon kay Cotabato City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi.

Hindi muna nagbigay ng pahayag ang Commission on Elections (Comelec) at patitingnan pa umano nila ang ID. 

HANDA NA

Sinabi naman ng Comelec na "all systems go" at tapos na ang preparasyon nila para sa plebisito. 

"We have prepared extensively for this... So far nag-meeting kami, at sa last report ready na lahat," ani Comelec Commissioner Al Parreño.

Nasa 2 milyong botante ang inaasahang makikilahok sa plebisito sa Lunes mula sa mga probinsiya ng ARMM, Isabela City sa Basilan, at Cotabato City sa Maguindanao. 

Tinatayang nasa 75 porsiyento ang posibleng turn out sa Lunes.

Paalala ng Comelec, isulat ang salitang "yes" o "no" o ang katumbas nito sa lokal na salita o Arabic.
 
Hindi kasi tatanggapin ang boto sa mga balotang may check o kaya'y ekis na marka.

Ang plebisito ay magsisimula alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.

Sa Pebrero 6 naman boboto ang mga taga-Lanao del Norte puwera Iligan City, anim na bayan sa North Cotabato, at iba pang mga lugar na nagpetisyon sa Comelec para makalahok sa plebisito.

—Ulat nina Lirio Bompat at Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.