Japanese national, Pilipina, timbog sa buy-bust sa Zamboanga

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2019 11:23 AM

ZAMBOANGA CITY - Isang 60-taong-gulang na Japanese national ang inaresto ng mga pulis dito sa lungsod Huwebes, matapos siyang mahuling gumagamit ng ilegal na droga.
 
Naabutan umano ng mga pulis na gumagamit ng ilegal na droga ang Japanese national sa loob ng isang bahay sa Barangay Tetuan kung saan nakatira ang isang wanted na tulak ng droga, sabi ni Chief Inspector Mark Anthony Karanain, hepe ng police station 6 dito sa lungsod. 

Dalawang sachet ng shabu ang nakuha mula sa bulsa ng Japanese national na higit 6 na taon nang naninirahan sa lungsod matapos makapangasawa ng isang Zamboangeña, sabi ni Karanain.

Arestado rin ang babaeng may-ari ng bahay matapos umanong bentahan ng shabu ang isang undercover na pulis sa halagang P200, ani Karanain.

Nakuha mula sa babae ang buy-bust money at isa pang pakete ng ilegal na droga.

Mariin namang itinanggi ng babae na nagbebenta siya ng droga sa loob ng kanilang bahay.

Itinanggi din ng Japanese national na nagpunta siya sa bahay ng babae para bumili ng droga.

Giit ng banyaga, binisita lang daw niya ang kaniyang mga kaibigan para makipag-kuwentuhan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.