PatrolPH

Higit 20,000 pulis, sundalo ipakakalat sa pag-arangkada ng BOL plebiscite

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2019 04:35 PM

Higit 20,000 pulis, sundalo ipakakalat sa pag-arangkada ng BOL plebiscite 1
Higit 20,000 pinagsanib na puwersa ng mga sundalo at pulis ang ikakalat para seguruhin ang seguridad sa pag-arangkada ng plebisito sa BOL sa Lunes. Screengrab

Mahigit 20,000 sundalo at pulis ang idedestino sa iba’t ibang lugar sa Mindanao para magbantay sa pagdaraos ng plebisito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL) na gaganapin sa Lunes.

Nitong Biyernes ng umaga ay ginanap ang send-off ceremony para sa mga sundalo at pulis sa Camp Siongco sa Maguindanao.

"Nais kong magsilbing hamon sa ating mga kasundaluhan, kapulisan, lingkod-bayan at mga mamamayan ng Mindanao na magtulong-tulong, magsama-sama at maging mapagbantay sa mahalagang okasyon na ito. Matagal na natin inaasam ang kapayapaan sa Mindanao," ani Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Benjamin Madrigal Jr. sa isang talumpati.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, wala pang lehitimong banta na nakikita sa ngayon pero pinaghahandaan nila ang posibilidad na may magtangkang manggulo sa plebisito.

"Merong mga indication na parang may gusto [manggulo] pero hindi pa namin ma-confirm 'yan... Most likely, ang scenario na mangyari diyan eh magpasabog sila kung saan-saan just to scare people, disrupt," saad ni Lorenzana.

Unang boboto sa Lunes ang mga residente ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), Isabela City sa Basilan, at Cotabato City.

Sa Pebrero 6 naman ang mga taga-Lanao del Norte puwera Iligan City, anim na bayan sa North Cotabato, at iba pang mga lugar na nagpetisyon sa Commission on Elections (Comelec) para makalahok sa plebisito.

—Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.