High value target, patay sa umano'y engkwentro sa Laguna

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2019 11:39 AM

Patay ang number 5 high value target ng Laguna Police matapos na mauwi sa engkwentro ang isang buy-bust operation sa bayan ng Lumban sa Laguna, Biyernes.

Nanlaban umano ang suspek na si Jeremy Villegas alyas "Jengjeng" matapos arestuhin ng mga pulis dahil sa pagbebenta ng baril sa Barangay Concepcion, sabi ni Chief Inspector Ryan Orapa ng Laguna Provincial Intelligence Branch.

Nagkunwaring bibili ng baril ang isang pulis pero nakahalata umano ang suspek na agad nagpaputok kaya nauwi sa engkuwentro, ani Orapa.

Isang caliber .45 at 12-gauge shotgun ang narekober sa suspek at 10 bulto ng shabu na nasa 200,000 pesos ang halaga.

Ang suspek ay miyembro ng Papera-Rana group na sangkot sa pagtutulak ng droga at gun running sa Laguna, ani Orapa.

Ilang ulit na ring naaresto ang suspek dati dahil sa ilegal na droga at may mga hinaharap na kasong frustrated homicide at frustrated murder dahil sa pagpatay sa isang pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.