Ginang na nawawala natagpuang patay, naaagnas sa loob ng condo

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2019 05:16 PM | Updated as of Jan 18 2019 10:55 PM

Nakatakip ng throw pillow ang mukha ng biktima nang matagpuan itong patay at naaagnas sa loob ng isang condo unit sa Marikina. Screengrab

Enero 9 nang kumalat sa social media ang Facebook post ni alyas "Marc" na nag-aalala dahil nawawala umano ang kaniyang ina na si alyas "Sonya" dalawang araw na ang nakalilipas.
 
Kuwento niya sa post, Enero 7 nang huling makita si Sonya sa Cordova Tower, Marquinton sa Marikina kung saan ito nagtatrabaho bilang isang real estate agent.

"Nawawala po ang mommy ko ng 2 days na ngayon. Lahat ng phone niya hindi ma-contact. Last Monday last siya nakita. Mga 2 p.m. If baka meron po nakakita sa kaniya o may alam kung nasaan siya puwede akong i-PM (private message) o i-text," ani Marc sa post.

Watch more in iWantTFC

Pero matapos ang isang linggong paghahanap, sa wakas ay nakita na si Sonya sa loob ng isang condo unit sa Cordova Tower pero wala na siyang buhay at naaagnas pa.

"Nu'ng nabuksan 'yung unit, sumingaw na ang malansang amoy. Nu'ng pumasok kami, pagsilip ko sa bedroom, nag-freeze ako dahil... nakita ko 'yung suot nu'ng babaeng nakahiga. 'Yun ang suot ng asawa ko na huling mawala siya," ayon naman kay alyas "Nestor," mister ng biktima.

Napansin ni Nestor na may throw pillow sa mukha ng babae at nang angatin ito ay agnas na ngunit nakompirma pa rin na iyon nga si Sonya.

"Bumigay na ako, humagulgol na ako... Mga anak ko tinawagan ko," aniya.

Wala pang masabi ang mga pulis kung bakit ganoon ang sinapit ng ginang.

"As of today hinihintay pa natin ang autopsy ng SOCO natin, kasi di pa tayo makakapag-declare kung ano ang cause... Based on the result ng SOCO du'n pa lang tayo mag-uumpisa kung natural death or foul play ba," ani Senior Inspector Jacqueline Ta-a ng Marikina police.

Pero duda ng pamilya, posibleng may kinalaman dito ang isa umanong kliyente ni Sonya.

"Minsan may pinakita siya sa amin na check na big amount, bigay daw ng isang kliyente na tinulungan sa documents... Pero ang sabi ko sa kaniya sa tingin ko pa lang sa tseke na ito, accountant ako, fake ito," ani Nestor. Nasa P2 milyon daw ang nakasulat na halaga sa tseke.

Sa paunang imbestigasyon, nawawala daw ang mga cellphone at wallet ni Sonya.

Tumanggi munang makipag-usap ang pamunuan ng Cordova Tower dahil hinihintay pa nila ang findings ng pulis.

Sa ngayon, gusto muna ng pamilya na magluksa at ibigay ang kanilang nalalabing panahon bago ihatid sa huling hantungan si Sonya.

"Ide-devote ko 'yung oras ko para hanapin kung sino ang gumawa nito," pangako ni Marc.

—Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.