Dentista, 'pumapapel' na misis timbog sa Quiapo

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2019 05:26 PM | Updated as of Jan 18 2019 11:07 PM

Watch more in iWantTFC

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) Special Task Force ang isang dentista at ang kaniyang misis matapos madiskubre ang kanilang gimik sa dental clinic sa Quiapo, Maynila.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nalamang pinauubaya ng dentistang si Jenny Mayor ang ilang pasyente sa misis na si Brigida kahit hindi naman ito dentista.

Sa surveillance video ng NBI, makikitang si Brigida ang humahawak sa mga pasyente at nagrereseta pa. At dahil tila pambabae ang pangalan ng kaniyang mister, siya raw ang nagpagkakamalang dentista.

Pero depensa ni Jenny, nag-a-assist lang daw ang kaniyang misis.

Ayon pa kay Brigida, madalas kasi ay natatambakan ng pasyente ang kaniyang mister.

"Minsan kasi marami masyadong pasyente, so inuutusan niya ako," giit naman ni Brigida.

Ayon naman kay Atty. Bernard dela Cruz, executive officer ng NBI Special Task Force, hindi lang si Brigida ang pumapapel bilang dentista kundi ang kanilang anak.

"Kapag wala si Jenny Mayor, 'yung asawa at ang anak ang pumapapel na dentista," ani Dela Cruz.

Ayon sa Philippine Dental Association (PDA) na tumayong complainant sa kaso, masyadong mura ang P350 na singil ni Mayor sa pagpapalinis ng ngipin. Halos kalahati daw ito sa minimum na P600.

Paalala ng PDA, laging i-verify ang pinupuntahang dental clinic.

"Huwag sila pupunta sa kung saan sila makakamura kung ang kanilang kalusugan naman ang masasakripisyo," paliwanag ni Dr. Ronnie Nuñez ng PDA.

Kulong ang mag-asawa sa paglabag sa Republic Act 9484 na sumasaklaw sa pagdedentista, at nakatakdang kasuhan naman ang kanilang anak. Bukod pa ito sa kanilang babayarang penalty.

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.