2 sugatan sa banggaan ng 2 motorsiklo

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2019 09:22 AM

Kapwa nagtamo ng mga sugat sa katawan at ulo ang driver ng dalawang motorsiklong nagbanggaan sa Zamboanga City. RJ Rosalado, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY - Sugatan ang dalawang motorista matapos magsalpukan ang kanilang mga motorsiklo sa Calle Tomas Claudio sa lungsod na ito, Huwebes ng gabi.

Ayon kay PO1 Alexis Garcia, traffic investigator ng Police Station 11, parehong nagtamo ng mga sugat sa katawan at ulo ang dalawang motorista matapos na bumaliktad sa kanilang motorsiklo.

Iniimbestigahan pa ng pulisya kung sino sa dalawa ang nag-counterflow sa lugar kung saan matagal nang ipinapatupad ang one-way traffic scheme.

Dagdag ni Garcia, posibleng mabilis ang takbo ng dalawang motorsiklo at dahil sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon sa daan ang mga driver nito.

Nasira din ang kanilang motorsiklo dahil sa salpukan.

Agad namang dinala sa pagamutan ang dalawang sugatan.

Hihintayin munang maging maayos ang kalagayan ng dalawa sa ospital bago kunan ng pahayag ng pulisya.

Wala ring makitang testigo ang mga pulis sa lugar na makapagsabi kung paano nangyari ang aksidente.

Nagpaalala naman ang pulisya sa mga motorista na sumunod pa rin batas trapiko kahit gabi at madaling araw para maiwasan ang aksidente sa daan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.