11 tiklo sa magkahiwalay anti-drug ops sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2019 05:21 AM

MAYNILA—Arestado ang 11 katao sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Quezon City sa magdamag.

Sa Barangay Immaculate Concepcion, kalaboso ang 5 miyembro ng pamilya na umano'y sangkot sa pagtutulak.

Nahuli si alyas Balong na siyang target ng operasyon at kaniyang ama, 2 kapatid, at kinakasama. Nasamsam sa kanila ang 9 sachet ng hinihinalang shabu.

Balik-kulungan naman ang isang karpintero matapos mahulihan ng droga sa Barangay Culiat.

Kalalaya lang ng suspek matapos makulong ng 7 taon dahil din sa kasong ilegal na droga.

Samantala, timbog ang 2 tulak umano ng droga sa Barangay Talipapa. Nakuha sa mga suspek ang P25,000 halaga ng umano'y shabu at mga drug paraphernalia.

Tiklo naman ang isang pahinante ng trak at 2 construction worker sa Barangay Old Balara. Nakumpiska sa kanila ang 7 sachet ng hinihinalang shabu.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. — Ulat ni Anjo Bagaoisan at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.