‘Tuloy ang con-ass kahit walang mga senador’: Alvarez

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2018 10:53 PM | Updated as of Jul 11 2019 12:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naniniwala si House Speaker Pantaleon Alvarez na sa isang constituent assembly (con-ass), walang senador o congressman dahil lahat sila ay miyembro lang ng iisang Kongreso na may tig-iisang boto.

Sa panayam ng DZMM, iginiit ni Alvarez na hindi siya sang-ayon sa posisyon ng mga senador na magkahiwalay dapat ang pagboto ang dalawang sangay ng kongreso sa mga pagbabago sa Konstitusyon o charter change (cha-cha).

"Pananaw nila yun. Pero iba rin yung pananaw namin dahil nga malinaw naman yung titik ng ating Saligang Batas," ani Alvarez.

Hirit pa ni Alvarez, handang mag-con-ass ang Kamara nang walang Senado.

Binatikos naman ng isang beteranong mambabatas ang opinyon ni Alvarez. Tila kalakaran na umano sa Kamara ang pambabraso sa lahat ng kontra sa administrasyon.

"Palagi naman may instances na sagasa diyan, violation ng rules, o kaya violation ng agreement between the majority and the minority," ayon kay dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares.

Isa umano itong dahilan kaya may mga nagsasabing hindi puwedeng ipagkatiwala sa mga politiko ang cha-cha.

"For me con-ass is not a proper body especially since we cannot allow members of Congress to decide on provisions in the Constitution which will benefit them," giit ni Colmenares.

Dahil tila ayaw paawat ng Kamara, mainam nang sumama ang lahat sa cha-cha para mabantayan ang mga emyenda, ayon sa isang political analyst.

"Hindi natin puwede iwan sa mga politiko ang proseso na ito. Napakaimportante nito sa buhay ng bawat Pilipino [at] pangalawa di dapat minamadali ito," ani UP professor Ranjit Rye.

Ayon kay Alvarez, maaari namang idulog sa Korte Suprema sakaling may di pagkakasundo sa cha-cha.

--Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.