Roque sa Rappler: 'Puwede pa silang maging bloggers'

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2018 12:09 AM | Updated as of Jul 09 2019 01:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maaari pa rin umanong magpatuloy ang Rappler na i-cover ang mga aktibidad ng Palasyo pero hindi bilang mga reporter kundi bilang bloggers, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque Jr.

Ito ay matapos bawiin ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang certificate of registration ng online news site na Rappler.  

"Pwede pa sila na maging bloggers. Malinaw po ‘yan. Maria Ressa can continue to blog. Pia Ranada can continue to blog. They cannot continue conducting their business as Rappler since that company has for all intents and purposes been declared void by the SEC,” ayon kay Roque. 

Pero ibig sabihin nito, kailangan silang kumuha ng accreditation sa opisina ni Assistant Secretary Mocha Uson na inatasan sa social media affairs ng administrasyon.

“All bloggers, in order to have access to Malacañang, will have to seek accreditation,” ani Roque.

Nauna nang hiniling ni Uson na i-classify bilang social media entity ang Rappler.  

Hindi naman sang-ayon ang propesor na si Danny Arao sa naging suhestiyon ni Roque na i-cover ng Rappler ang mga aktibidad ng Palasyo bilang bloggers. 

“Sino ba ang head ng social media ng PCOO (Presidential Communications Operations Office)? Ito ay walang iba kundi ‘yung numero unong kaaway ng Rappler. Napakairesponsable ng mga gano’ng klase ng pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque sapagkat sya mismo dapat ang makaalam na ang Rappler talaga ay isang news media organization,” ani Arao. 

Dagdag pa ni Arao, ngayon ang panahon na dapat mas maging mapagbantay ang media sa lahat ng mga nangyayari sa ating lipunan.

Protesta

Samantala, nagsagawa ng indignation rally ang mga miyembro ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) sa Mendiola bilang pagtuligsa sa umano'y panggigipit ng pamahalaan sa malayang pamamahayag.

Nagkakaisa ang mga journalism students sa pananaw na malaki ang magiging negatibong epekto sa lipunan ng pagbawi ng certificate of registration sa Rappler.

Una na ring sinabi ni Atty. Marichu Lambino na isa itong uri ng panggigipit mula sa gobyerno.

“Mayroon siyang tinatawag na chilling effect. Ang ibig sabihin ng chilling effect tinatakot mo kaya nanginginig ‘yung mga tao, natatakot na ipasara ‘yung kanilang publication. All it takes is a political figure to say ‘huwag niyo akong tirahin kundi isusumbong ko kayo sa SEC.’ Isa siyang pagbabanta sa lahat ng malalaking organizations sa media at pati na rin sa social media kung hindi mapigil ‘yung ganitong pang-iipit sa Rappler,” paliwanag ni Lambino. 

Para naman kay Arao, mawawalan ng katuwang ang ordinaryong mamamayan sa pagbuo nito ng sariling opinion sa mga isyu kung tuluyan itong mangyayari.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.