Lider umano ng robbery-holdup group, arestado sa San Juan

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2018 05:37 AM

Arestado sa lungsod ng San Juan ang isang holdaper matapos ang 5 buwang paghahanap ng pulisya sa kanya.

Kinilala ang suspek na si Marcelo Oñate Jr. na umano'y lider ng isang robbery-holdup group.

Ayon kay Senior Supt. Lawrence Coop, hepe ng San Juan City police, natunton nila ang suspek sa pamamagitan ng tulong ng mga concerned citizen.

"For sure, ang incident ng holdapan, bababa. Case closed na ang 2017 case," aniya.

Agad namang sumugod sa tanggapan ng pulisya ang iba pang nabiktima ng grupo ni Oñate.

Kuwento ni alyas Ann, hinoldap siya ng dalawang armadong lalaki, kabilang si Oñate, sa loob ng isang pampasaherong jeep sa Aurora Boulevard, Quezon City. Tinangay ang kanyang cellphone.

Si alyas Michael naman ay naholdap din ng grupo ni Oñate. Tinangay din ang kanyang cellphone.

Pinabulaanan naman ng suspek ang mga paratang laban sa kanya.

Mahaharap si Oñate sa kasong robbery.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.