Lalaki nasaksak dahil sa alitan sa P20 na pamasahe

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2018 06:25 PM

Nagpapagaling sa ospital ang biktimang si Richard Enaw matapos siyang masaksak ng katrabaho dahil sa alitan sa pamasahe. Photo courtesy of Butuan City Police Station 3

BUTUAN CITY - Sugatan ang isang lalaki matapos itong masaksak umano ng kaniyang katrabaho dahil sa alitan sa pamasahe sa tricycle nitong Huwebes ng madaling araw.

Pauwi na umano mula sa inuman ang mga construction worker na sina Jonathan Torres at Richard Enaw nang mapagkasunduan nilang maghati sa pamasaheng P20.

Ayon sa ulat ng Butuan City Police Station 3, nagmatigas umano si Torres na magbigay ng hati niyang P10. Nauwi ito sa pagtatalo at suntukan.

Naghabulan umano ang dalawa hanggang sa nasaksak ni Torres sa tiyan si Enaw gamit ang isang tari.

Inaresto naman ng mga pulis ang suspek matapos ang pananaksak.

Paliwanag ni Torres, dinepensahan lang niya umano ang kaniyang sarili dahil muntik na raw siyang hampasin ng steel plate ni Enaw.

Desidido ang ina ng biktima na magsampa ng kaso laban kay Torres.

Mahaharap sa kasong frustrated homicide si Torres samantalang nagpapagaling naman si Enaw sa ospital.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.