Ilang Baguio artists umaray sa naantalang bayad ng gobyerno

Teomar Bautista, ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2018 12:29 PM

Inilawan ang Tinatik Christmas tree nitong nagdaang Kapaskuhan. Kuha ni Potnao Reigh Quinto

BAGUIO CITY - Tinaguriang creative city ang lungsod na ito ng UNESCO, pero iniinda ng ilang local artists dito ang umano'y hindi pagbayad sa kanila ng pamahalaang panlungsod sa iba nilang gastos.

Kuwento ni Maela Jose, na siyang nasa likod ng kontrobersyal na Tinatik Christmas tree na naitayo sa Session Road noong Kapaskuhan, hindi niya ramdam ang suporta ng gobyerno.

"They are supposed to supply the materials and everything. Wala namang dumarating ngayon. Doon sa konsepto na na-approve siyempre may time table ako eh. Dalawang buwan ko yan gagawin but during those times we were not extended any help," ani Jose.

Ikinadismaya rin niya na hindi na ibinalik ang Tinatik Artform na agad niyang naayos matapos masunog at palitan ng tradisyonal na Christmas tree.

"Hindi ko pa rin maintindihan na in terms of creative city, hindi pa rin na-restore yung nangyari sa art form namin. Madaling sabihin na tapos na yun. Kalimutan na lang. Pero hindi rin eh."

Aniya, ang tanging intensyon niya ay ipakilala ang kultura ng Cordillera sa pamamagitan ng kanyang Tinatik art. Ang Tinatik art o drop of colors ay art technique na inimbento mismo ni Jose kung saan direktang itinutulo ang pintura sa tela para bumuo ng mga disenyo.

Ayon kay Mayor Mauricio Domogan, dapat ngang mabayaran sila Jose kung proyekto ng gobyerno ang pinagawa sa kanila.

"I don't see any reason why. Baka kulang yung requirements na sinubmit," aniya.

Hindi naman tanggap ni Jose ang pahayag na hindi sila mababayaran dahil kulang ang mga dokumentong ipinasa nila.

"Paano makukumpleto yun kung each time na pumupunta kami eh may hinihingi na naman na karagdagan na mga requirements sa ganito?"

Aprubado ng konseho ng Baguio ang P2.056-billion na pondo para sa lungsod, kung saan may nilaan na P2.5 million para sa arts and crafts.

"It's not that we are not willing to give budget, magsubmit sila ng project proposal, tignan natin, tignan natin yung pwedeng pondohan at kung lulusot sa requirement ng auditing and accounting," ani Domogan.