Filipino-Pakistani arestado sa reklamong sextortion sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2018 08:57 PM

Arestado ang isang Filipino-Pakistani na lalaki dahil sa reklamong sextortion sa Quezon City, Martes.

Arestado ang isang Filipino-Pakistani matapos pagbantaan ang dating nobya na ikakalat ang mga hubad na larawan nito kung hindi makikipagtalik sa kaniya.

Nadakip si Abdul Bukhari ng National Bureau of Investigation Cybercrime Division sa isang entrapment operation sa Quezon City nitong Martes.

Pinipilit din umano ni Bukhari na makipaghiwalay ang biktima sa kasalukuyan nitong nobyo. 

Aminado ang biktima na apat na buwan niyang naging boyfriend sa Facebook si Bukhari, at nakumbinsi siyang magpadala ng mga sensitibong larawan.

Pero agad din siyang nakipaghiwalay nang malaman niyang kasal na pala si Bukhari.

Ikinulong si Bukhari sa kasong violence against women and children at paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act.

Itinanggi naman ni Bukhari ang mga akusasyon ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.