Dating konsehal at kanyang kaibigan, patay sa pamamaril sa Laoag

Kim Lorenzo II, ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2018 03:50 AM

Patay ang 2 lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin sa Laoag City, Ilocos Norte Miyerkoles.

Kinilala ang mga biktima na sina Nathaniel Taylan II at Joefrey Blanes.

Si Taylan ay dating konsehal sa bayan ng Dingras, Ilocos Norte.

Nagtamo ang dalawang biktima ng tama ng baril sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, galing sa sabungan ang mga biktima kasama ang dalawa pang kaibigan.

Kakaparada lang ng kanilang sinakyang tricycle sa Barangay 13 nang bigla silang pagbabarilin.

Agad tumakas ang mg salarin sakay umano ng dalawang motorsiklo.

Iniimbestigahan ngayon ng pulisya kung mayroong nakaalitan ang mga biktima sa sabungan.

"Chini-check natin baka sa loob ng sabungan meron silang nakaaway, napikon, gumanti at sinundan sila," ayon kay Chief Insp. Antonio De Juan ng Ilocos Norte Provincial Police Office.

Hindi na muna nagbigay ng komento ang pamilya ng mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.