Babaeng nag-book ng flight, presidential suite gamit ang credit card ng iba, tiklo

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2018 05:26 AM

Arestado ang isang babae na sangkot umano sa credit card fraud sa isang hotel sa lungsod ng San Juan Miyerkoles.

Kinilala ang suspek na si Eva Castaneda.

Kuwento ng biktimang si alyas Amanda, bigla na lang siyang nakatanggap ng text message mula sa kanyang bangko ukol sa pag-book ng flight tickets na nagkakahalaga ng P19,000.

"Nag-panic na ako because I know I didn't make those (transaction). I was just at home," aniya.

Tinawagan ni Amanda ang kanyang bangko para i-report ang insidente.

Ngunit napag-alaman na lang niya na nauna na palang ginamit ang kanyang credit card para sa online booking ng isang presidential suite sa isang hotel sa Greenhills.

Ang presidential suite ay nagkakahalagang P38,000.

Nakapangalan ang reservation kay Castaneda na nag-check in kahapon.

Agad humingi ng tulong sa pulisya si Amanda at pinuntahan ang hotel kung saan hinuli ang suspek.

"Throughout the whole ordeal, she was trying to deny. Her husband was like making bulong-bulong to me na baka pwedeng ayusin," aniya.

Hinala ni Amanda na nakuha ang kanyang credit card information nang kumain sa isang restaurant sa Greenhills noong nakaraang Huwebes.

"I don't wanna pinpoint but after five days this has happened. Somebody must have had skimming device or card reader," aniya.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek na nahaharap sa paglabag sa Republic 8484 o Access Devices Regulation Act of 1998.

Nagbigay naman ng paalala ang pulisya sa publiko kung paano makaiwas sa ganitong klase ng modus operandi.

"Kapag magbabayad sa restaurant, 'wag basta ibigay sa waiter ang credit card. Sumama sa cashier. Burahin din ang three digits sa likod ng credit card," ayon kay Senior Supt. Lawrence Coop, hepe ng San Juan police.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.