Babaeng nag-bomb joke sa Davao airport, kinulong ng 12 oras

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2018 02:34 PM

Kuha ng DIA Aviation Police Station

Naperwisyo ang mga pasahero ng isang airline company Martes ng gabi matapos nag-bomb joke ang isang pasahero sa loob ng eroplano sa Davao International Airport (DIA).

Dahil dito, pinababa ang lahat ng mga pasahero at inilabas din ang mga bagahe mula sa eroplano.

Kuha ng DIA Aviation Police Station

Sinuyod ng bomb squad at K9 unit ang loob at labas ng eroplano para masigurong walang bomba.

Kuha ng DIA Aviation Police Station

Kuwento ng hepe ng DIA Aviation Police Station na si Chief Inspector Ronel Tesorero, sinabi ng babae na "may bomba" ang kaniyang bagahe.

“May protocol kami na i-treat seriously itong mga ganito lalo na mataas ang threat ng terrorism sa atin,” ani Tesorero.

Nagdulot ito ng alarma at takot sa mga pasahero.

Kuha ng DIA Aviation Police Station

Imbes na umalis sa nakatakdang alas-6 ng gabi na flight, naantala ang mga ito halos tatlong oras.

Ang suspek na hindi na pinangalanan, na-detain ng 12 oras sa DIA Aviation Police Station pero pinalaya rin dahil wala pang kasong inihabla laban sa kaniya.

“Ni-release siya kasi kulang ang requirements [for a complaint]. Kailangan ng affidavit tapos ang complainant and witness papunta na ng Manila that time so nag-coordinate kami sa crew para pagbalik nila dito sa Davao, maka-file tayo ng kaso,” ayon kay Tesorero.

Pursigido ang Aviation Police na kasuhan ang babaeng nag-bomb joke para magsilbing leksiyon sa iba pa na kailangan seryosohin ang batas ukol dito.

Apat na taong pagkakakulong at P40,000 multa ang haharapin ng sino mang mapatutunayang lumabag sa Presidential Decree 1727. --Ulat ni Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.