Bagong modus sa carjacking, ibinulgar ng HPG

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2017 10:51 AM

MANILA - Apat na hinihinalang karnaper ang timbog ng Philippine National Police - Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa Pasig City, Miyerkules.

Nahuli ang mga suspek, na eda 18 hanggang 40, matapos tangayin ang sasakyan ng isang James Cua na bumabaybay sa isang kalye sa siyudad.

Sinabi sa dzMM ni PNP-HPG chief of staff Senior Superintendent Marlon Madrid na tiyempong nasa lugar ang mga tauhan ng HPG nang mangyari ang krimen.

Dagdag pa ni Madrid, naipit sa trapiko ang mga suspek kaya nakorner agad sila ng mga awtoridad.

Narekober sa grupo ang 2 kalibre .45 na baril, iba't ibang klase ng maskara, shabu, mga cellphone at ilang ID na may magkakaparehong retrato pero magkakaibang pangalan.

Modus aniya ng mga suspek na banggain ang target nilang sasakyan upang mapababa ang drayber at matutukan nila ng baril.

Payo ni Madrid sa mga motorista, maging mapagmasid at huwag munang bumaba kapag may bumangga sa kanilang sasakyan.

Huwag na huwag din aniyang manlalaban kapag tinutukan na ng baril.

Sa halip, ani Madrid, tandaan na lang ang mga kapansin-pansing marka sa mukha at katawan ng mga suspek, tulad ng bálat, pati na rin ang plaka ng sasakyan ng mga ito.

-- May ulat ni Henry Atuelan, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.