Hinimok ng isang opisyal mula sa Food and Drug Administration (FDA) ang publiko na tiyaking dumaan sa inspection ng ahensiya ang face mask bago bilhin at gamitin.
Ito'y matapos maglabas ng babala kamakailan ang FDA laban sa 5 brand ng face mask na hindi umano sumalang sa pag-evaluate ng ahensiya at walang product notification certificate.
Ayon kay Ma. Cecilia Matienzo, direktor ng Center for Device Regulation, Radiation Health and Research sa ilalim ng FDA, dapat tiyakin muna ng taumbayan na nasa listahan ng ahensiya ang mask bago gamitin, lalo pa't dapat mas protektado at maingat ang lahat bunsod ng mas nakahahawang COVID-19 variant.
Sa mga abiso na inilabas kamakailan, sinabi ng FDA ng hindi sertipikado para sa medical use ang Aidelai Disposable Face Mask at isa pang unbranded na Disposable Medical Mask.
Bawal ding gamitin at ibenta ang Just Mask Anti Viral Face Mask, Health Master Disposable Protective Mask, at Cherub Daily Protective Mask.
Ipinaliwanag ni Matienzo na kapag ang isang mask ay hindi "for medical use," hindi ito epektibo kapag gagamitin sa mga ospital, clinic o ano mang health care facility.
"Kung tayo ay pupunta sa isang hospital o medical facility, tayo ay gumamit ng medical grade face mask dahil tayo ay pupunta sa isang lugar na highly infectious environment," ani Matienzo.
Ayon pa sa FDA, bawal ang pagbebenta at pagpo-promote ng mga produkto hangga't wala itong product notification certificate mula sa kanila.
Ayon sa isang nagbebenta ng face mask, sa Divisoria, Maynila siya umaangkat at may tatak naman ito ng FDA.
"Hindi ako kumukuha ng walang tatak ng FDA," aniya.
Aminado naman ang isa pang nagbebenta na hindi nila nache-check kung sertipikado ba ng FDA ang mga ibinebentang mask.
"Sa totoo lang, hindi po namin na-check kasi alam namin na pagka-Aidelai, akala namin quality. Kaya 'yan ang binibili namin pangbenta," sabi ng nagtitinda.
Sinikap ng ABS-CBN na kuhanin ang panig ng mga face mask manufacturer pero hindi matunton kung saang bansa nakabase ang kanilang mga opisina o pabrika.
-- Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, face mask, Food and Drug Administration, disposable face mask, personal protective equipment, Aidelai, TV Patrol, Isay Reyes, TV Patrol Top