Inamin ngayong Linggo ng Philippine Air Force (PAF) na luma na ang helicopter nilang bumagsak sa may Bukidnon pero iginiit na alaga ito sa maintenance.
Ayon kay PAF Spokesperson Lt Col. Aristides Galang, dumaan sa inspeksiyon ang naturang helicopter bago pinayagang lumipad.
"'Yong sinasabi natin na may kalumaan na, which is true naman po talaga. Pero ito pong mga equipment po natin, when it comes to part and component, puro brand new po yan," ani Galang sa panayam ng Teleradyo.
Patay ang 7 sakay ng Huey UH-1H helicopter matapos itong bumagsak sa bundok ng Sitio Nahigit, Barangay Bulonay sa bayan ng Impasug-Ong, Bukidnon noong hapon ng Sabado.
Galing sa 403rd Infantry Brigade headquarters sa Malaybalay City ang chopper at magdadala sana ng supplies sa kampo sa Impasug-Ong.
Narekober ang labi ng lahat ng mga nasawi at dinala sa punerarya sa Malaybalay.
Mula Bukidnon, ililipad ang mga labi ng 4 na tauhan ng Air Force sa Mactan Air Base sa Cebu habang iuuwi naman sa kani-kanilang pamilya sa Bukidnon ang 3 pang nasawi.
Unang ginamit ang mga Huey UH-1H helicopter noong Vietnam War mula 1967 hanggang 1970s.
Ilang units ang ibinigay bilang donasyon ng Amerika sa PAF.
Pero marami sa mga helicopter ang hindi na ginagamit dahil may mga refurbished UH-1H unit ng model na nabili ng gobyerno mula Singapore noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Mayroon ding mga pina-restore gamit ang mga bagong spare part mula Japan at binalik sa serbisyo noong 2019.
Magpapadala naman umano ng mga tauhan ang PAF para suriin ang bumagsak na helicopter at makapagsagawa ng opisyal na imbestigasyon sa nangyari.
-- Ulat ni Rod Bolivar, ABS-CBN News
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Philippine Air Force, helicopter crash, Bukidnon helicopter crash, Bukidnon, Impasug-Ong, TV Patrol, Rod Bolivar, TV Patrol Top