Tiyahin inireklamo dahil sa pangmamaltrato umano sa pamangkin sa Davao

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2020 03:22 PM

Nakuhanan ng video ang pagmamalupit ng tiyahin sa kaniyang dalagitang pamangkin. Screengrab

DAVAO CITY — Sinagip ng mga awtoridad noong Martes ang isang 15 anyos na dalagita sa lungsod na ito matapos ang umano'y pang-aabuso ng kaniyang tiyahin. 

Nakunan pa ng video ang ginawang pagmamalupit ng tiyahin. 

Batay sa salaysay ng inirereklamo na si alyas "Bianca," hindi na siya nakapagtimpi sa pamangkin dahil daw sa sobrang pasaway at tamad nito. 

Ayon kay Bianca, 2 taong gulang pa lang ang kaniyang pamangkin nang inalagaan niya ito matapos mamatay ang ina nito. Inabandona rin daw ang bata ng kaniyang ama.

Noong Huwebes, pinalaya ng pulisya si Bianca matapos pumirma ng waiver ang pamangkin at sinabing hindi na ito interesadong magsampa ng kaso.

"Hindi ko na siya tatanggapin. Doon na siya sa kaniyang kapatid dahil napagod na ako. Bibigyan ko na lang siguro sila ng bigas," sabi ni Bianca sa panayam ng ABS-CBN News.

Pansamantala namang nasa pangangalaga ng Quick Response Team for Children's Concern ang dalagitang biktima.

Ayon naman sa Davao City Police, kahit wala nang interes ang biktima na sampahan ng kaso ang tiyahin nito, dapat pa rin daw mabigyan ng counselling ang dalawa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.