TINGNAN: Lalaki sinagip ang buhay ng security guard na nag-seizure

Job Manahan, ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2020 12:35 AM

Sinagip ng isang lalaki ang buhay ng isang security guard na inatake ng seizure sa isang supermarket sa loob ng mall sa Quezon City Miyerkoles.

Sa panayam sa ABS-CBN News, sinabi ni Jonathan "Totie" Casimiro, isang body piercer, na namimili lamang sila sa supermarket nang makitang nakahandusay na sa sahig ang security guard na nangingisay at bumubula ang bibig. 

 

Sa sobrang dami ng tao na nakapaligid sa guard, pansin ni Casimiro na walang tumutulong dito.

Agad siyang rumesponde at nagsagawa ng first aid buhat sa mga natutunan niya sa health at safety seminars ng Philippine Tattoo Guild (Philtag) at Department of Health para sa mga tattoo artists at body piercers. 

Required sa mga miyembro ng Philtag na sumailalim sa mga nasabing seminar para makapag-tattoo.

Labis naman na ikinatuwa ni Casimiro na nakaligtas siya ng buhay. 

"Hindi ako nagdalawang-isip na lapitan siya at gawin ang tama kasi 'yun ang nararapat. Hindi dahil may gusto ako patunayan na kahit ganito hitsura ko . . . May pamilya kasi na nag-aantay sa kaniya," sabi ni Casimiro. 

Malaking tulong ang lahat ng natutunan niya sa mga seminar dahil puwede niya ito gawin kahit saan, aniya.

"[Ginawa ko lang] 'yung natutunan ko nu'ng mga oras na nag-undergo ako sa seminar. At least naging kasangkapan ako ng nasa taas para makatulong ako sa tao," dagdag ni Casimiro.

Ligtas na ang security guard at may dumating naman na medical officers pagkatapos magsagawa si Casimiro ng first aid. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.