PNP, NBI may pakulo para makatulong sa Taal evacuees

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2020 03:27 PM | Updated as of Jan 17 2020 10:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Hindi lang mga pribadong indibidwal at disaster agencies ang nagkukusang-loob magbigay ng tulong sa mga nasalanta ng pag-aalboroto ng Bulkang Taal.

Nagbigay din ng tulong ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP), na parehong nagsagawa ng kani-kanilang pakulo para makalikom ng pera para sa libo-libong nawalan ng tirahan.

Ang NBI agents, nagpasiklaban sa pagpapaputok ng baril sa Director’s Cup-Shoot For A Cause. Pa-contest nila ito matapos ang taunang pag-eensayo kung saan naisip nilang gawin itong pagbibigay-tulong sa mga nasalanta.

"Ang makukuha dito ay ibibigay sa kanila, unahin natin 'yung gamot," ani NBI director Dante Gierran.

Ang mga pulis naman sa Sampaloc, pinag-ipon-ipon ang buwanang rice allowance nila at ipinambili ng 70 sako ng bigas na ibibigay sa Calaca, Batangas. 

"Pagtulong walang katumbas na halaga, hindi lang sa serbisyo, dinudukot sa sariling pera," ani Police Lt. Col. Alex Daniel, hepe ng Sampaloc police.

Samantala, nakatakda namang i-donate ng National Capital Region Police Office personnel ang kanilang one-day combat pay sa mga apektadong pamilya sa Batangas, ayon sa hepe nilang si Brig. Gen. Debold Sinas. 

"Majority ng pulis namin pumayag, donation po ito walang puwersahan."

Handa rin ang NCRPO na mag-escort o kahit magpahiram ng sasakyan sa mga nais mag-donate.

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.