Pag-aaral ng mga estudyante sa Batangas apektado ng Taal eruption

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2020 04:21 PM | Updated as of Jan 17 2020 10:35 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Sa pag-aalboroto ng Bulkang Taal, libo-libong estudyante rin ang apektado matapos gawing evacuation centers ang kanilang mga paaralan. 

Marami kasi sa mga lugar sa Batangas ay naka-lockdown na dahil sakop ito ng 14-kilometrong radius na itinuturing na danger zone. 

Linggo nang pumutok ang Bulkang Taal kaya isang linggo na ring hindi nakakapasok sa mga paaralan ang mga estudyante.

Dahil dito, nababahala ang mga magulang kung matatapos ba sa oras ang school year dahil sa naturang kalamidad. 

"Naiisip ko kung paano siya makakatapos... Kung meron pong mapapasukan sila kahit transfer po ay papasukin po namin," ani Purita Mendoza, na may anak na high school student. 

Samantala, ang iba namang mag-aaral, gumawa nang makabuluhang aktibidad habang walang pasok. 

"Dahil po sobrang dami ng taong nangangailangan ng tulong, naisip namin ito para makabili ng maaari naming maitulong sa kanila," ani Miguel de Chavez na kabilang sa Boy Scouts of the Philippines ng Batangas. 

"Naglalaan kami ng oras sa bawat evacuation center, tumutulong kami sa pagre-repack, pag-a-assist, pagbibigay ng pagkain," ani Brianna Sofia Perez, isang Girl Scout.

Sa kabila naman ng kalamidad, may ilang paaralan na magbubukas na umano ng klase sa Lunes.

Ang Batangas City East Elementary, tuloy ang klase sa Lunes kahit pa marami sa kanilang silid ay okupado ng evacuees.

"Tuloy po ang kanilang pag-aaral, tuloy ang exam, mga quizzes ire-record, ani teacher Francisco Perez.

Puwede rin daw silang mag-organisa ng make up classes para matapos lang ang school year. 

Sabi ng Department of Education sa Batangas, halos 200 public schools ang ginawang evacuation centers.

Sabi ni Education Secretary Leonor Briones, kailangan agad gawan ng paraan ng mga lokal na pamahalaan ang problema sa evacuation centers para hindi na gamitin pa ang mga paaralan. 


—Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.