Online application para sa gov't docs hindi itinigil: PSA

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2020 05:09 PM

MAYNILA — Nagpaalala ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa publiko na bukas pa rin ang online application nila para sa mga opisyal na dokumento tulad ng birth certificate, kahit pa itinigil na ang kontrata sa isa nilang service provider.

Paliwanag ng ahensiya, na-terminate na ang serbisyo ng provider nila na Pilipinas Teleserv o mas kilala bilang "helpline" pero may isa pa namang website na maaaring puntahan.

"For reasons cited in the termination order, natigil 'yung Pilipinas Teleserv which is commonly known as helpline, so 'yung tao have this perception na tinanggal na talaga totally 'yung online." paliwanag ni PSA assistant national statistician Fred Sollesta.

Ang isa pang online service provider na tinutukoy ni Sollesta ay ang www.psaserbilis.com.ph.

Dagdag ng PSA, bukod sa online application at pagpunta sa main office nila, puwede ring pumunta sa mga opisina ng civil registry sa mga munisipyo at city hall pati na rin sa tanggapan nila sa malls.


—Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.