MAYNILA - Bahagyang nabawasan ang agam-agam ni Mario Maristela matapos niyang mailikas ang dalawa sa apat niyang kabayo na naiwan sa Taal Volcano island matapos ang pagsabog nito noong Linggo.
"Yung kabayo siyempre pinagkakitaan n'yo kailangan mapakain 'yan. Saka may buhay sila. Sila na po karugtong ng aming sikmura," sabi ni Maristela.
Isa si Maristela sa mga naghahanap-buhay sa pamamagitan ng pagpapasakay sa mga turistang dumarayo sa isla sa kaniyang kabayo.
Mula nang pumutok ang bulkan noong Linggo, nabalikan niya ang mga alagang kabayo Huwebes matapos makapuslit sa kabila ng pagharang ng Philippine Coast Guard.
"'Yan lang ang number one naming hanap-buhay," sabi ni Maristela na walang magawa kundi ang maiyak sa trahedyang sinapit nila sa pagputok ng bulkan.
Wala na ring babalikang bahay ang kaniyang pamilya dahil nasira na rin ito.
"Wala na pong aare, tabon na pong lahat. Durog na durog na," sabi niya.
Kasalukuyang nasa evacuation center sa Silang, Cavite ang kaniyang asawa at apat na anak.
Balak niyang ibenta na lamang ang mga kabayo para subukang maiahon ang kaniyang pamilya.
"Ibebenta na po kung may bibili kahit mura para po may mapag-umpisahan 'yung pamilya," sabi niya.
Dati, papalo sa higit P20,000 ang halaga ng bawat kabayo. Pero dahil nangayayat na ang mga alaga mula sa ilang araw na walang makain, handa siyang ibenta ang mga ito sa mas mababang halaga.
"Walang magagawa. Kung aalagaan po wala namang pantustos ng pagkain, pambili... ibenta na po kahit mura," sabi niya.
Isa si Maristela sa grupo ng mga residente na bumalik sa isla Biyernes ng umaga para ilikas ang mga naiwang mga hayop tulad ng mga kabayo, baka at mga baboy.
Bagama't naisakay ang mga hayop sa mga bangka, may mga natira pa ring iba tulad ng mga aso.
Hiling niya na sana ay mabigyan sila ng tulong ng gobyerno na muling makabangon. - Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Taal volcano, Tagalog news, Regional news, Batangas, bulkan, hayop, animals, kabayo, Taal, volcanic eruption, TV PATROL, TV PATROL TOP