Duterte aprubado ang total deployment ban sa Kuwait

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2020 06:29 PM

MAYNILA — Aprubado kay Pangulong Rodrigo Duterte ang isinulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) na total deployment ban sa Kuwait, kasunod ng karumaldumal na sinapit ng Pinay worker na si Jeanelyn Villavende sa kamay ng kaniyang employer. 

"[President Duterte] is for a total ban until the memorandum of agreement between the two countries is fully implemented and the terms contained therein are incorporated in every labor contract with our OFWs," ani Presidential Spokesman Salvador Panelo.

Nilagdaan na ng Philippine Overseas Employment Administration ang resolution para sa total deployment ban ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.

Sakop ng total deployment ban ang lahat ng mga newly-hired worker, mula household worker hanggang sa mga skilled worker at professional. Hindi naman daw kasali sa ban ang mga balik-manggagawa.

Libo-libong mga OFW sa Kuwait naman ang nangangambang mawalan ng trabaho dahil sa total deployment ban. 

Ilang mga balik-manggagawang household service workers na pabalik sana sa Kuwait ang na-stranded din sa mga airport sa Maynila matapos ibaba ang kautusan.

Hiling nila ngayon na tulungan sila makauwi na lang sa kanilang mga probinsya.

PEKENG AUTOPSY

Ibinaba ang ban nang lumabas ang resulta ng autopsy na isinagawa ng National Bureau of Investigation sa bangkay ni Villavende, kung saan, bukod sa pambubugbog, nakitaan siya ng mga indikasyon ng sexual abuse.

Namatay si Villavende sa kamay umano ng kaniyang employer, na ngayon ay nasa kustodiya ng mga awtoridad sa Kuwait.

Nauna nang pinagdudahan ni Bello ang kredibilidad ng autopsy report ni Villavende sa Kuwait, na nagsasaad na namatay ang Pinay dahil sa physical injuries.

Noong 2018, nagbaba ang Pilipinas ng deployment ban sa Kuwait kasunod ng serye ng mga ulat ng mga pang-aabuso sa mga OFW doon, kabilang ang kaso ni Joanna Demafelis, na natagpuang patay sa loob ng freezer.

Inalis lamang ang ban nang lumagda sa isang memorandum of agreement ang Pilipinas at Kuwait para sa proteksyon ng mga OFW.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.