2 sugatan sa aksidente sa NLEX

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2020 02:26 PM

Nawalan umano ng kontrol sa manibela ang pick-up kaya't napunta sa kabilang lane ang behikulo at bumangga sa kasalubong na SUV sa kahabaan ng North Luzon Expressway sa San Fernando sa Pampanga. Trisha Mostoles, ABS-CBN News

SAN FERNANDO, Pampanga - Dalawa ang sugatan sa aksidenteng kinasangkutan ng dalawang behikulo sa North Luzon Expressway, Biyernes ng umaga.

Ang mga nasugatan ay mula sa SUV na tumagilid matapos na mabangga ng isang pick-up.

Agad naman silang naitakbo sa ospital.

Ayon sa driver ng pick-up, nawalan siya ng kontrol sa manibela kaya napunta ang kaniyang behikulo sa southbound lane kung saan parating naman ang SUV.
 
Bumangga ang pick-up sa SUV na tumama naman sa railings hanggang sa tumagilid na ito.

Makaraan ang ilang minuto, bumangga naman ang First North Luzon Transit bus sa Partas Bus sa parehong lugar.

Basag ang windshield ng First North Luzon Transit bus, na may 45 na pasahero habang nayupi naman ang likurang bahagi ng Partas bus.

Parehong papunta sa Cubao ang dalawang bus.

Wala namang nasaktan sa mga pasahero na inilipat na sa mga rescue bus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.