2 patay sa salpukan ng jeep at van sa NLEX

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2020 02:11 AM | Updated as of Jan 17 2020 07:45 AM

PAMPANGA - Patay ang driver ng jeep na si Adel Guico at pahinante nitong si Christian Dave Pasadilla matapos bumangga sa isang forward wing van Huwebes ng madaling araw sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX) malapit sa Barangay Tabuyuc, Apalit, Pampanga. 

Ayon kay Police Lt. Col. Elmer Decena ng Apalit Municipal Police District, hindi napansin ng jeep ang nakaparadang truck at binangga nila ang likod nito.

Hindi naman makapaniwala si Maricar del Rosario, tiyahin ng isa sa mga biktima, lalo na’t nagba-biyahe lang naman ng prutas ang dalawa.

“Nabigla po kami... sobrang sakit po .. sobra pong sipag, mabait po. Siya po ang tumutulong sa pamilya niya po,” ani del Rosario.

Lubos naman ang paghingi ng paumanhin ng driver na si Joel Bueno sa mga kaanak ng biktima.

“Huminto kasi, hindi na makahatak ang sasakayan. Pinababa ko yung pahinante, kunin mo yung early warning device … Wala naman tayong magagawa, Ma’am, aksidente naman talaga,” ani Bueno.
 
Pero ayon sa pulisya, ang driver ng truck ang siyang may pananagutan. “May mali ‘yong truck kasi expressway ‘yon. Dapat wala siya doon, inisip kasi ng driver ng truck na ‘yong outer lane pwede siyang magparada, so lack of skill or knowledge,” ani Decena.

Hinahanda na ang kasong reckless imprudence resulting in damage to property, multiple homicide, at physical injury para sa driver ng van.
 
Dagdag pa ng mga awtoridad, importanteng magkaroon ng mga caution at mga early warning device sakaling nagkadiperensiya o nagkaaberya ang sasakyan para mabigyan din ng babala ang ibang motorista.-Ulat ni Gracie Razon Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.