'Yellow lane' sa Elliptical, pang-gabay sa mga motorista: MMDA

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2019 10:52 AM | Updated as of Jan 17 2019 02:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Pinanindigan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pangangailangang sanayin ang mga motorista sa ipinapatupad na dry-run ng 'yellow lane' sa Elliptical Road sa Quezon City.

"Ang sinasabi lang po namin, mula Commonwealth hanggang North Avenue, dalawang intersection lang ‘yan, Visayas then North Avenue, nilinyahan po natin yung gitna ng solid line para ma-guide na po ang ating motorista," pahayag ni MMDA General Manager Jojo Garcia sa DZMM, Huwebes ng umaga.

Ipinagbabawal ng naturang linya na lumabas ang mga sasakyan maliban kung tatawid ang mga ito sa broken lines. Layon nitong maibsan ang trapiko at maiwasan ang aksidente sa naturang kalsada. 

Nilinaw naman ni Garcia na walang hulihan at kung mayroon man ay sa pamamagitan ito ng no contact apprehension para hindi na lalong makadagdag pa sa bigat ng daloy ng trapiko sa lugar.

Paliwanag din niya na sanay umano ang mga motorista na nasa kaliwa lagi saka papasok sa kanang bahagi ng kalsada.

"So kung from the start po iga-guide mo po 'yan na pakanan sila, lahat free-flowing. Gina-guide lang po natin sila kung paano ang configuration ng kalsada," dagdag niya.

Bagama't marami pa rin ang sumablay sa pagsunod sa bagong traffic rule sa lugar sa unang araw ng dry-run, enganyo pa rin ang MMDA na turuan ang mga motorista.

"Kaya po tayo nagkakaroon ng dry run, nakikita natin yung problema para masolusyunan," giit ni Garcia.

Samantala, nagdagdag naman ng mga enforcer sa lugar para magmando ng trapiko habang ang iba ay may hawak na placard na may paalalang "stay on your lane" sa mga motorista.

Ayon kay Assistant Secretary Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA, kailangang sanayin at paulit-ulit na ipaalala sa mga motorista na dumadaan sa Elliptical Road na dapat ay sumunod sa batas trapiko. – May ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.