Publiko hinimok magbantay sa VAT-free na gamot sa diabetes, cholesterol

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2019 11:00 PM

Watch more in iWantTFC

Nanawagan ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa publiko na maging mapagmatiyag sa bibilhing gamot ngayong wala nang Value Added Tax (VAT) ang mga ibinebentang maintenance medicine para sa diabetes, altapresyon, at mataas na cholesterol. 

Ayon kay BIR Deputy Commissioner Marissa Cabreros, dapat sa botika pa lamang ay natitiyak na ng publiko na VAT-free na ang kanilang mga nabibiling gamot. 

Dapat daw hingan ng resibo ang mga botika o drugstore na pagbibilhan ng gamot dahil dito umano nakikita kung sumunod ba ang mga pamilihan sa bagong patakaran. 

“Humingi kayo parati ng resibo, para matse-check ninyo na VAT exempted iyan, kasi hindi ho kayo puwedeng pupunta sa BIR at sa BIR kayo magre-refund, kasi po ang nagpataw nu'ng tax sa inyo, if ever mali, is iyong drugstore,” aniya sa press briefing sa Malacañang. 

Tiniyak naman ng Food and Drug Administration (FDA) na sisiguraduhin nilang susunod ang mga botika sa hindi pagpataw ng VAT sa naturang mga maintenance medicine. 

Ayon kay FDA Director Nela Charade Puno, mahigpit nilang babantayan ang mga botika at sisiguraduhing de-kalidad pa rin ang ibinebentang mga gamot kahit na wala na itong karagdagang buwis. 

"We'll be very, very active po dito sa ating monitoring and ensuring po na ang implementasyon ng VAT exempt ay hindi lang po para bumaba lang ang presyo, para na rin po to ensure na quality iyong gamot na binibili po ninyo,” aniya. 

VAT-free na gamot sa cancer pinag-aaralan

Samantala pinag-aaralan na rin ng Health department na isama din ang mga gamot ng cancer patients sa listahan ng VAT-free na gamot. 

Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, pinag-uusapan na nila ng isang interagency working group ang panukala. 

Sakaling maipatupad ito, malaki ang matitipid ng mga cancer patient gaya ni Nenet Advincula, na gumagastos ng mahigit P1 milyon para mapagamot ang kaniyang endometrial cancer. 

“Ang gamutan, napakalaking bagay yun. Ang mamahal. Ako na senior na wala nang trabaho, napakasakit,” aniya. 

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.