P63-M halaga ng pirated CD at DVD sinira sa Davao City

Jasper Magoncia, ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2019 08:19 PM

Tinatayang nasa P63-milyon ang halaga ng mga sinirang pirated na CD at DVD sa lungsod ng Davao, Enero 17, 2019. Jasper Magoncia, ABS-CBN News

DAVAO CITY- Sako-sakong mga piniratang CD at DVD ang sinira ng Optical Media Board dito, Huwebes ng hapon.

Tinatayang nagkakahalagang P63 milyon ang mga sinirang CD at DVD na nakumpiska ng OMB noong Setyembre 2018. Aabot sa 440 na sako ang pinisat ng tangke ng Task Force Davao.

Hangad ng chairman ng OMB na si Anselmo Adriano na magsilbing babala sa mga nagbabalak na magpirata ng mga pelikula ang "ceremonial destruction."

"I-shredder ito para hindi na mapakinabangan pa. Magsilbi na rin itong warning sa iba na huminto sa pagnenegosyo nito," aniya.

Karamihan umano sa mga nakumpiska nilang pirated na CD at DVD ay nagmula pa sa Tsina.

Pinaalalahanan din ang publiko na ang pagbebenta at pagbili ng mga pirated na CD at DVD ay labag sa Republic Act 9239 o ang Optical Media Act of 2003.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.