Ilang IDPs sa Marawi City, problema ang gastusin para makaboto sa plebisito ng Bangsamoro law

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2019 08:15 PM

MARAWI CITY - Hindi pa alam ng ilang mga internally displaced people (IDPs) ng Barangay Boganga dito sa lungsod kung saan kukuha ng panggastos para makarating sa clustered voting center sa Barangay Sagonsongan ngayong Lunes para sa plebisito ng Bangsamoro Organic Law (BOL).

Gusto umano nilang bumoto para maratipika ang BOL dahil umaasa silang magiging bahagi ng livelihood grant na ibibigay sa Bangsamoro, pero wala umano silang pamasahe.

Limang kilometro ang layo ng voting center mula sa transitory site dito sa siyudad, kung saan daang libo ang nawalan ng tirahan matapos ang 5-buwang bakbakan ng mga sundalo at terorista noong 2017.

Umaabot sa P140 ang pamasahe bawat isa papunta sa voting center at pabalik ng site. Wala umano ito sa budget nila at ang ilan sa kanila ay wala pang trabaho.

Nakatakda ang plebisito sa BOL sa Jan. 21, ang unang petsa ng botohan kung pabor ang mga residente na maratipika ang batas. Ang BOL ay nagtatakda ng isang Bangsamoro autonomous region na may kapangyarihang pamunuan ang sariling teritoryo.

Ang ikalawang petsa ng botohan ay nakatakda sa Feb. 6.

"Gusto namin talaga [bumoto] pero kung makakuha kami ng pamasahe papunta dun. Eh wala kaming trabaho eh," ani Alawi Ampao, isa sa mga residente.

Wala namang areas of concern sa Lanao del Sur pero magbabantay pa rin ang militar at Commission on Elections (Comelec) lalo na kung may maghahakot ng botante.

Mga lehitimong botante lang talaga ang makakapasok sa voting centers, ayon sa militar.

"Kasama po sa mga checkpoints natin na pipigilan ang flying voters. Pagka-elections ginagawa naman natin 'yan eh," ayon kay Col. Romeo Brawner, commander ng 103rd Infantry Brigade ng Philippine Army.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.