Hotel sa QC nasunog

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2019 03:47 AM | Updated as of Jan 17 2019 03:01 PM

MAYNILA (UPDATED) — Nasunog nitong Huwebes ang bahagi ng isang hotel sa may Timog Avenue, Quezon City.

Nagsimula ang apoy sa electrical room sa ikaanim na palapag ng Icon Hotel at kumalat ang usok nito hanggang sa ikapitong palapag, ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Bandang alas-2 ng madaling araw napansin ng mga bisita sa hotel ang makapal na usok kaya agad silang pinalabas ng mga empleyado ng establisimyento.

Tuluyang naapula ang sunog bandang alas-8 ng umaga.

Inaalam pa ang halaga ng pinsalang idinulot ng sunog.

Iniimbestigahan din ng BFP kung gumana ang fire alarm system ng hotel noong nagkasunog at kung anong naging sanhi ng apoy.

Itinigil muna ang operasyon ng hotel para mapaayos ang nasirang bahagi.

--Ulat nina Anjo Bagaoisan at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.