Hinihinalang kampo ng mga rebelde, nadiskubre ng militar sa Samar

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2019 06:46 PM

SAN JORGE, Samar - Nadiskubre ng mga sundalo ng 63rd Infantry Battalion ang isang kampo umano ng rebeldeng New People's Army (NPA) sa Barangay Bay-ang sa bayang ito Lunes ng umaga.

Base sa impormasyon mula sa 8th Infantry Division ng Philippine Army, nadiskubre ang nasabing kampo matapos magsumbong ang mga residente sa mga sundalo habang tinutugis ng militar ang mga nakasagupang rebelde.

Nakita sa nasabing kampo ang isang mess hall, training ground at medical facilities. Mayroon ding mga kuwebang ginagamit umano na supply room, comfort room at tulugan.

Nakuha rin sa kampo ang ilang generator, ilang wires na posibleng gamitin sa paggawa ng improvised explosive device (IED), mga lalagyan ng gasolina, mga bombilya, mga magazine ng M16 rifle at caliber .45 na baril, at mga dokumento.

Pinasalamatan naman ng commanding general ng 8th Infantry Division na si Major General Raul Farnacio ang mga residente sa nasabing barangay na nagbigay ng impormasyon para matukoy ang nasabing kampo.

Nanawagan rin ang opisyal sa mga rebelde na sumuko na upang makapamuhay ng normal at maging bahagi ng iba't ibang programa ng gobyerno.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.