Barangay chairman sa Cebu, patay sa pamamaril

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2019 10:20 AM

Matapos ang pamamaril, nahulog pa ang multicab na minamaneho ng biktima sa bangin. Donna Lavares, ABS-CBN News

SAN FERNANDO, Cebu – Dead on arrival sa pagamutan ang isang punong barangay matapos na pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga salarin sa South Poblacion, Miyerkoles ng gabi.

Nahulog pa sa bangin ang multicab na minaneho ni Barangay Magsico chairman Johnny Arriesgado nang pagbabarilin ng mga salarin na sakay ng isang puting van.

Sinubukan pang dalhin si Arriesgado sa ospital pero binawian din ito ng buhay.

Samantala, sugatan naman ang dalawang nakamotorsiklo na bibili lang sana ng barbecue malapit sa pinangyarihan ng krimen.

Ayon sa hepe ng San Fernando Police Station na si Inspector Lymel Pasquin, papuntang Cebu City ang kapitan nang barilin.

Sa ngayon, tatlong anggulo ang kanilang tinitingnan sa nangyaring pamamaril.

"Although hindi namin ma-confirm or ma-deny yu'ng mga involvement niya sa illegal drugs at politics, as well as baka mayroon din po na anggulo na love triangle dahil may naririnig kaming may binibisita na babae,” sabi ni Pasquin.

Sa rekord ng istasyon, taong 2017 nang makulong si Arriesgado sa kasong illegal possession of firearms.

Blangko naman ang pamilya sa motibo sa pagpatay sa kanilang padre de pamilya.

Ayon sa asawa nito, mabuting tao ang kaniyang asawa at marami itong natulungan sa kanilang bayan.

Huling termino na sana ngayon ni Arriesgado bilang kapitan. Siya din ang pangalawang napatay na punong barangay ngayong buwan sa nasabing bayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.