Totoy, pinaso umano ng madrasta, sugatan

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2018 09:53 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Isang 10 taong gulang na lalaki sa Subic, Zambales ang natagpuang may malalim na sugat sa binti at paa dahil umano sa pagpaso sa kaniya ng madrasta.

Hawak ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang batang si alyas "Buboy" na sinasaktan umano ng kaniyang madrasta.

Martes ng gabi nang mapadpad si Buboy sa Barangay Wawadue, 15 kilometro mula sa bahay niya sa Barangay Cawag.

Mayroon siyang malalim na sugat sa binti at paa dahil umano sa pagpaso sa kaniya gamit ang kahoy na may baga.

Marami ring marka ng kurot sa mukha ng bata na gawa rin umano ng madrasta.

Nitong Miyerkoles ng umaga, matapos dalhin sa sangay ng DSWD sa Subic, inihatid ng isang social worker si Buboy sa bahay para makausap ang sinasabing madrasta.

Pinasinungalingan ng madrasta ang paratang ng bata.

Ayon sa ginang, makulit si Buboy at siya mismo ang pumaso sa sarili dahil umano sa tumubong mga kulugo.

Tumanggi namang humarap si Buboy sa madrasta at bumalik sa kanilang bahay kaya pansamantala munang manunuluyan ang bata sa Bukang Liwayway Home for Boys ng Preda Foundation sa kalapit na bayan ng Castillejos.

Bago tuluyang maibalik ang bata sa ama at madrasta, kailangan muna silang sumailalim sa counseling at family therapy program ng Preda.

Sinubukan din ng ama ni Buboy nitong Miyerkoles ng hapon na kausapin siya.

-- Ulat ni Roland Blanco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.