Opisyal ng CPP-NPA, sumuko sa South Cotabato

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2018 05:09 AM

Sumuko sa otoridad ang isa sa mga tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines-New People's Army (CPP-NPA) sa South Cotabato Lunes ng hapon, ayon sa militar.

Kinilala ang sumuko na si Noel Legaspi alias Ka Efren, tagapagsalita ng Far South Mindanao Regional Command ng CPP-NPA.

Kinumpirma ito ni Lt. Col. Benjamin Leander, commander ng 27th Infrantry Battalion.

Boluntaryo umanong sumuko si Legaspi sa militar at kay South Cotabato Governor Daisy Fuentes pasado alas-5 ng hapon.

Kasama niyang sumuko ang kanyang maybahay na si Ka Wendy na nagsilbi namang mediko ng grupo.

Sa loob ng 26 na taon, naging aktibong kasapi umano ng CPP-NPA si Legaspi.

Matagal na umanong nakikipag-negosasyon si Legaspi sa militar. 

Sa tulong ni Fuentes, nakumbinsi si Legaspi na sumuko na.

Tinitiyak ng gobyerno na mabibigyan din ito ng benepisyo, tulad ng mga naunang sumukong mga rebelde.

Tumanggi na munang magbigay ng dagdag pa na detalye ang militar hinggil sa pagsuko ni Legaspi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.