‘Nakulitan’: Lalaki, nanuntok ng 12 anyos sa isang computer shop

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2018 09:09 PM | Updated as of Jan 17 2018 09:56 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Arestado ang isang lalaki matapos pagsusuntukin ang 12 anyos na lalaki sa isang computer shop sa Sta. Ana, Maynila Lunes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Joel Berces, isang pedicab driver na aminadong nagawa ang panununtok dahil nakulitan siya sa bata at nakainom pa siya. 

"Nakulitan lang po ako kasi no'n. Kasi nung nag-iinom din po kami, e ang kulit po," ayon kay Berces.

Nagtamo ng ilang pasa sa katawan ang bata dahil sa nangyari at ayon sa pulis ay na-trauma siya kaya ayaw muna niyang lumabas ng bahay.

Nakuhanan naman ng CCTV ang pangyayari kung saan biglang natumba sa sulok ang bata dahil pinagsusuntok siya ni Berces at hinataw pa sa ulo. 

Wala namang nagawa ang bata kundi yumuko habang hindi rin pinansin ng ilang nagko-computer ang gulo hanggang sa inawat sila ng bantay ng shop. 

"Parang naghaharutan lang sila," ayon kay Roger Montiagudo, bantay ng computer shop. 

Pero matapos nito, binalikan pa ng lalaki ang bata saka muling sinuntok.

Nagreklamo ang mga magulang ng bata sa barangay at pulis kaya naaresto si Berces. 

Kinasuhan si Berces ng child abuse habang plano naman ng pamilya ng bata na isailalim ang biktima sa counseling ng Department of Social Welfare and Development.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.