Mga stranded na pasahero, sinisi ang panghuhuli sa mga 'bulok' na jeep

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2018 09:20 PM | Updated as of Jul 09 2019 03:08 PM

Watch more in iWantTFC

Aminado ang Department of Transportation (DOTr) na hindi nila inasahan ang dami ng bulok pero pumapasadang pampasaherong sasakyan na target hulihin ng kanilang "Oplan Tanggal Bulok Tanggal Usok."

"In all honesty, kami rin po ay nabigla doon sa dami ng mga jeepney na talagang hindi pumapasa. Hindi naman namin akalain na ganoon kadami," sabi ni Transportation undersecretary Tim Orbos.

Dahil sa programa na naglalayong hulihin ang mga tsuper at operator ng halos gutay-gutay nang sasakyan, hindi nakabibiyahe ang mga jeep na nasisita hanggang sa maitama ang mali.

May mga nagsisikap namang itama ang paglabag pero bagsak pa rin sa inspeksiyon kaya balik-garahe at natetengga.

May ilan ding nag-ka-"cutting trip" o hindi tinatapos ang biyahe sa ruta para makapagtago sa mga nanghuhuli.

Dala nito ay perwisyo para sa mga pasaherong nahihirapan tuloy sumakay.

"Ang hirap sumakay, walang choice kung hindi sumakay na rin sa kanila kahit bulok," sabi ng pasaherong si Niki Joy Agustin.

"Nagsasakripisyo po, para naman iyan sa ikauunlad din ng ating bayan," giit ng pasaherong si Eufemia Chavez.

Ayon kay Orbos, hindi rin umano handa ang ahensiya sa kaakibat na biglaang kakulangan sa jeep mula nang ilunsad ang programa.

"Kami na lang ang humihingi ng pasensya at talagang inaamin namin na ang dami na kailangan ayusin," sabi ni Orbos.

Puspusan na rin ang pagbibigay ng gobyerno ng special permit sa mga bus na itatalaga sa mga lugar na nagkakaroon ng kakulangan sa jeep.

Classic bulok

Ang isang jeep na nasabat ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) nitong Miyerkoles sa Alabang, tinawag nang "classic bulok" dahil pinagtitiyagaan ng mga pasahero.

Malakas na nga kung magbuga ng usok, kinakalawang pa ang lahat ng gulong.

Dagdag dito ang kakulangan sa turnilyo at shock absorber, kalbo na spare tire, at hindi gumagana na hand brake.

Pinasakan pa ng tsinelas ang tambutso na posibleng humiwalay sa kaha sa kahit anong minuto.

Pero ayon sa tsuper, puwede pa rin ito.

"Balak sana namin uubusin 'yong rehistro at franchise namin," ayon sa tsuper na si Armel Renayan.

Sa kabila ng depensa, iginiit ng I-ACT na kailangan ipaayos ang behikulo kaya hinatak pa rin ito.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.