Lalaking nagtago ng 9 taon dahil sa panggagahasa sa anak-anakan, arestado

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2018 01:51 PM

Kuha ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Matapos magtago ng siyam na taon, nahuli na ng awtoridad ang 42-anyos na si Edwin Santo, pangalawa sa most wanted sa Dulag, Leyte, dahil sa kasong rape.

Taong 2009 nang ireklamo ito ng kinakasama dahil sa panghahalay umano sa noo'y 14-anyos na anak-anakan.

2010 naman lumabas ang warrant of arrest sa kanya, na naging hudyat ng kanyang pag-alis sa Leyte at pagtatago sa Maynila, kung saan siya nagtrabaho bilang construction worker.

Naaresto si Santo sa pinagsamang operasyon ng Quezon City Police District (QCPD) Station 7 at Dulag, Leyte PNP.

Paliwanag nito, malikot lang siyang matulog at hindi n'ya ginahasa ang anak-anakan nang matulog silang magkakamag-anak sa papag ng kanilang bahay.

"Di ko naman po 'yun ginawa. Natutulog lang ako tapos napapunta na lang ako bigla sa kaniya... Nasa may paananan po ako kasi," ayon sa suspek.

Patay na ang kinakasama noon ni Santo na ina ng bata, kaya nasa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development ang biktima. 

Mahaharap si Santo sa kasong paglabag sa Republic Act No. 8353 o Anti-Rape Law in relation to RA 7610 o child abuse. --Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.