Lalaki, arestado sa pagtutulak ng shabu sa Calamba

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2018 11:18 PM

CALAMBA CITY - Arestado ang isang lalaki matapos makuhanan ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa Barangay Parian, Calamba City Martes ng hapon.

Kinilala ang suspek na si Anthony Barahil, 28 taong gulang.

Arestado siya matapos maaktuhan umanong nagbebenta ng ilegal na droga sa isang operasyong ikinasa ng Calamba City Drug Enforcement Team.

Nakumpiska mula kay Barahil ang ilang sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na higit kumulang 40 gramo, at may street value na P200,000.

Ayon sa mga pulis, dati na umanong sumuko sa Oplan Tokhang si Barahil ngunit ipinagpatuloy pa rin ang pagtutulak ng droga.

Ginagamit umano nito ang kaniyang tricycle sa pagbebenta ng shabu.

Itinanggi naman ni Barahil ang mga paratang sa kaniya.

"Napag-utusan lang po ako. Hindi ko po kilala 'yung mga 'yun, 'yun po ay binabayaran lang po ako. Nabiyahe po ako eh. 'Yun po, binayaran po ako ng P200, hindi ko naman po alam ang laman noon," paliwanag niya.

Ipapadala ang suspek at lahat ng nakumpiskang ebidensiya sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para isalang sa drug at laboratory test.

Inaalam pa ng pulisya kung sino ang nagsu-suplay ng shabu sa suspek at kung may iba pa itong lugar na binabagsakan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.