Joint voting? Senador na lalahok sa ‘con-ass’ ng Kamara, ipatatanggal

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2018 10:21 PM

Nagkakaisa umano ang Senado sa pagtutol sa isinusulong na constituent assembly (con-ass) ng Kamara kung isasama ang kanilang boto sa lagpas 200 representante.

Ibinunyag ni Senador Panfilo "Ping" Lacson na napagkasunduan nila sa isang caucus Martes ng gabi na ibo-boycott nila ang con-ass joint session ng Kamara at sisipain sa Senado ang sinumang miyembro nila na dadalo.

"Basta hindi kami papasok sa joint session na hindi namin sigurado na voting separately...Kung may babaligtad, bahala siya sa buhay niya," ani Lacson.

"I even computed based on Waze ang travel time between the Senate and the House [of Representatives]. Even before he steps into Batasan soil, expelled na siya, he's no longer a Senate member," pagbabanta pa ni Lacson.

In-adopt ng Kamara ang resolusyong bubuo ng con-ass bilang moda sa charter change (cha-cha) o pagbabago ng Saligang Batas, na magbibigay daan sa nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na pederalismo at iba pang emyenda.

Si Senador Ralph Recto naman, idineklarang patay na ang cha-cha sa Senado.

Pero sagot ng chairman ng Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes na si Senador Kiko Pangilinan, maaga pa para magsalita tungkol dito.

Ngayon pa lang, masasabi nang maraming senador ang tutol sa cha-cha. 

Plano naman nilang mag-ikot sa iba't ibang bahagi ng bansa at direktang tanungin ang mga tao sa pulso nila kaugnay ng cha-cha. 

Kabilang sa pupuntahan ng mga senador ang Baguio, Cagayan de Oro, ARMM at Cebu. 

Panig ng mga eksperto

Samantala, nagsalita na ang mga eksperto sa Saligang Batas sa gitna ng ingay sa usapin ng cha-cha. 

Salungat man ang opinyon kung dapat nga bang baguhin ang 1987 Constitution na 31 taon nang hindi ginagalaw simula nang mabalangkas ito, nagkaisa naman sila na dapat hiwalay na bumoto ang mga senador at kongresista sakaling matuloy ang cha-cha.

Giit pa ng mga eksperto, hindi dapat mga nakaupong politiko ang susuri sa bagong Konstitusyon.

Mabigat kasi ang paghimay rito at baka mapasukan pa ng mga pansariling interes.

"We have not used con-ass to revise our Constitution. We have no experience with that. Secondly, primary business of Congress is to make laws...I believe it should not be saddled with the more difficult job," ani retired Chief Justice Reynato Puno.

Iginiit din ni Puno na hindi puwedeng puwersahin ang Senado na sumali sa con-ass na isinusulong ng Kamara.

"Kung ang Senado ayaw mag-join sa constituent assembly, karapatan nila yun. Kung hindi sila pumayag, walang con-ass," paliwanag ni Puno.

--Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.