Inaapura? Ilang 'pangamba' sa sinusulong na cha-cha sa Kongreso

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2018 04:06 PM | Updated as of Jan 17 2018 04:07 PM

Tinalakay sa Senado nitong Miyerkoles ang isinusulong ng administrasyon na emyenda sa Saligang Batas bilang daan tungo sa nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na pederalismo.

Pinangunahan nina dating Supreme Court Justices Hilario Davide Jr, Reynato Puno, Adolfo Azcuna, dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel, Quezon City Mayor Herbert Bautista at ilan pang resource person ang usapan na nagsimula sa tanong kung kailangan nga ba talagang baguhin ang 1987 Constitution. 

Ayon kay Davide, na parte ng Constitutional Commission na bumalangkas sa kasalukuyang Saligang Batas, isang "talon pa-impyerno" ang gagawing pagbabago sa nasabing dokumento, dahil ito ay maituturing na "pinakamaganda" kahit pa hindi ito perpekto.

"A shift to federalism is a lethal experiment, a fatal leap, a plunge to death, and a leap to hell...[Our Constitution] is the best in the world, the best for our country and our people not just of this generation but even for generations yet unborn," giit ni Davide.

Tinutulan naman ito ni Pimentel at sinabing may ilang probisyon ang Saligang Batas ang kinakailangan nang emyendahan lalo na't 31 taon na ang nakalilipas nang mabuo ito.

"Contrary to the statement of my dear friend Chief Justice Davide, the proposal to revise the Constitution by adopting the federal system is not a lethal proposal. It is a vital proposal to give life and meaning to the intent of good governance," ani Pimentel.

Isa si Pimentel sa mga pangunahing nagsusulong ng pederelismo sa bansa.

Pangamba

Ipinahayag naman si Pimentel na ayaw niya sa plano ng Kamara na mag-joint voting ang dalawang kapulungan ng Kongreso dahil tila mawawalan ng saysay ang boto ng Senado sa dami ng mga representante.

"The voting of the two houses of Congress should be done separately otherwise the 24 senators, even if they are to act as one, would suffer fates worse than those who were swallowed by the Fukushima tsunami some time ago," ani Pimentel.

Ito'y matapos magdesisyon ng Kamara bumuo ng constituent assembly bilang moda sa pagbabago ng Saligang Batas. 

Isa pang ikinakatakot ni Davide ay ang pagaapura ng "supermajority" sa pagbabago ng Saligang Batas

"I doubt very much if the super majority now can act with thorough deliberation on a matter which the party itself considers to be a part of its proposal," ani Davide, na tinutukoy ang ruling party na PDP-Laban.

Inaabangan na ang magiging hakbang ng Senado gayung marami sa kanila ang nagsabing tutol sa ginawang hakbang ng Kamara. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.