Banta ng lahar sa paligid ng Mayon, pinangangambahan ng mga magsasaka

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2018 10:51 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nangangamba ang ilang residenteng apektado sa pag-aalburuto ng Bulkang Mayon sa pinsalang maaaring idulot ng lahar flow o pagragasa ng lahar sa kanilang mga panananim.

Nitong Miyerkoles, tumulak papuntang Budiao River Channel sa Daraga, Albay si Ed Laguerta, ang resident volcanologist ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

May bakas ng abo sa river channel pero ayon kay Laguerta ay hindi pa ito dinadaluyan ng lahar.

"Ang nakita lang namin manipis ... kaya lang amoy na asupre. Ibig sabihin, may nadala na kaunti pero hindi naman natin matatawag na lahar iyon," ani Laguerta.

Ayon sa Phivolcs, delikado sa lahar flow ang mga river channel na sakop ng mga bayan ng Daraga, Camalig at Guinobatan. 

Pinag-iingat din ang Legazpi City at Santo Domingo, Albay na malapit sa river channel.

Isa sa mga nangangambang residente ay si Jenita Pedrables na bumalik sa kaniyang taniman ng gabi sa may Budiao River Channel kahit umaambon.

Nanlumo siya dahil inanod ang kaniyang mga bagong tanim.

Dalangin ni Pedrables na huwag nang maglabas ng abo ang bulkan lalo't isa ang kaniyang taniman sa maaaring mapinsala nito.

Burol

Sa labas ng danger zone, ibinurol naman ang 80 anyos na si Teodolo Precia matapos atakihin sa puso noong Martes ng madaling araw habang nasa evacuation center.

Nilinaw naman ng Tabaco City Disaster Risk Reduction and Management Council, walang kinalaman sa Mayon ang pagpanaw ni Precia.

Isang grupo naman ng mga babae sa Itaran, Polangui, Albay ang nag-ani ng mga petsay at mustasa para ibigay sa mga inilikas.

"Ang aming pinagpaguran ay makakarating sa kanila at tsaka makakamtan nila, malaking tulong na ito sa kanila," ani Erlinda Vega, pangulo ng Itaran Women's Progress Organization.

Laking tuwa ng mga nasa Nasis evacuation center nang ihandog sa kanila ang mga gulay na may kasama pang delata at noodles.

"Malaking tulong ito sa aming evacuees dahil kung wala ito mahirap ang gulay namin," ani evacuee na si Rommel Bobis.

Nanatili sa Alert Level 3 ang Mayon habang patuloy ang pagtala ng mga lava collapse na nagdudulot ng makapal na usok at abo.

--Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.